Dahil sa epektibong pagtugon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kahirapan, nagkaroon ng bahagyang pagbaba ang hunger rate sa bansa sa ikatlong bahagi ng taong 2023.
Batay sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS), lumilitaw na ang bilang ng mga pamilyang Pinoy na nahaharap sa involuntary hunger, o yaong nakaramdam ng gutom at walang kahit anong makain ng kahit minsan lang sa isang buwan, ay bumaba ng 9.8% noong Setyembre 2023.
Ang September 2023 Hunger figure ay mas mababa sa 10.4% na naitala nong Hunyo 2023 at kapareho naman sa 9.8% noong Marso 2023.
Ayon sa SWS, noong Setyembre 2023, ang kagutuman ay bumaba sa Visayas at ‘Balance Luzon’ o mga lugar sa Luzon na nasa labas ng Metro Manila habang bahagya itong tumaas sa Metro Manila at Mindanao.
Pinakamataas ang kagutuman na naitala sa Metro Manila, 17.3%; sinundan ng Balance Luzon, 10.3%, at Visayas at Mindanao, 6.7%.
“The 9.8 percent Hunger rate in September 2023 was the sum of 8.4 percent who experienced Moderate Hunger and 1.3 percent who experienced Severe Hunger,” ayon pa sa SWS.
Ipinaliwanag ng pollster na ang mga pamilyang nasa kategoryang “moderate hunger” ay yaong mga nakaranas ng gutom ng ‘minsan’ o ‘ilang ulit’ sa nakalipas na tatlong buwan.
Ang mga pamilya naman na nakaranas ng matinding gutom o ‘severe hunger’ ay yaong ‘madalas’ o ‘palaging gutom’ sa nakalipas na tatlong buwan.
Samantala, lumitaw rin sa survey na ang overall hunger rate sa mga taong itinuturing ang kanilang sarili na mahirap, ay nagkaroon ng pagbaba, o mula 10.8% noong Hunyo 2023 ay naging 7.7% noong Setyembre 2023. Nabawasan din ang kagutuman sa mga indibidwal na ikinukonsidera ang kanilang sarili bilang ‘food-poor,’ o mula 9.4% ay naging 7% na lamang sa kahalintulad na panahon.
Ang naturang survey ay isinagawa ng SWS mula Sept. 28 hanggang Oktubre 1, sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa may 1,200 adults sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.