Inalerto ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang publiko dahil nananatili pa ring apektado ng red tide ang dalawang coastal waters ng Bohol at tatlo pang lugar sa Visayas at Mindanao.
Sa shellfish bulletin ng BFAR nitong Biyernes, Hunyo 2, positibo pa rin sa paralytic shellfish poison (PSP) o toxic red tide ang coastal waters ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol; San Pedro Bay sa Samar; Dumanquilas Bay sa Zamboanga del Sur; at Lianga Bay sa Surigao del Sur.
“All types of shellfish and Acetes sp. or alamang gathered from the areas are not safe for human consumption,” ayon sa abiso ng BFAR.
“Fish, squids, shrimps, and crabs are safe for human consumption provided that they are fresh and washed thoroughly, and internal organs such as gills and intestines are removed before cooking,” banggit pa ng ahensya.
Ayon sa mga health expert, posibleng makaranas ng pamamanhid sa paligid ng bibig at mukha ang mga nakakain ng shellfish na may red tide.
Makararamdam din ng pagkaparalisa ng kamay at paa, panghihina ng katawan, pagbilis ng pulso, hirap sa pagsasalita, paghinga at paglunok, at pananakit ng ulo.