Nagbuga ng 2.23 kilometrong lava ang Bulkang Mayon sa nakaraang 24 oras, ayon sa pahayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sinabi ng Phivolcs, ang naturang lava flow ay umabot sa Mi-isi Gully.
Tinabunan naman ng 1.3 kilometrong lava ang Bonga Gully.
Naitala rin ang dalawang pagyanig, 284 rockfall events at pitong dome-collapse pyroclastic density current (PDC) events mula Huwebes ng madaling araw hanggang Hunyo 30 ng madaling araw.
Nasa 2,500 metrong taas ng usok ang pinakawalan ng bulkan at ito ay tinangay ng hangin pa-hilaga-hilagang silangan.
Naobserbahan pa rin ang ground deformation o pamamaga ng bulkan.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang paglapit at pagpasok sa 6-kilometrong radius permanent danger zone (PDZ) dahil sa nakaambang pagsabog ng bulkan.
Kasalukuyang nasa level 3 ang alert status ng bulkan, ayon pa sa ahensya.