Mas pinalalaim pa ang military at economic cooperation sa pagitan ng Estados Unidos, South Korea at Japan kasabay ng paghahayag ng “strongest joint condemnation” sa umano’y delikado at agresibong pag-uugali ng China sa South China Sea.
Ito ay matapos magkasundo sina US President Joe Biden kasama sina South Korean President Yoon Suk Yeol at Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa Camp David noong Biyernes sa isinagawang summit ng Biden administration.
Bilang pagpapakita umano ito ng pagkakaisa sa gitna ng lumalawak na kapangyarihan ng China at nuclear threats mula sa North Korea.
Napagkasunduan din ng tatlong bansa na kokonsulta sa bawat isa sa tuwing may krisis at mag-uugnayan sa pagtugon sa regional challenges at mga banta na nakaapekto sa common interests.
Maliban dito, nagkasundo rin sila na magsasagawa ng military training exercises kada taon at magbabahagi ng real-time information sa North Korean missile launches sa pagtatapos ng 2023.
Dahil sa nakita rin umano ng mga lider ng tatlong bansa na delikado at agresibo ang pag-uugali ng china sa unlawful maritime claims nila sa South China Sea, ay mahigpit nilang tinututulan ang unilateral attempts para palitan ang status quo sa katubigan ng Indo-Pacific.
Kaugnay nito sinabi naman ni Liu Pengyu, tagapagsalita para sa China sa Washington embassy na bahala na ang international community para humugsga kung sino ang nagpapaigting ng tensyon.