Umaabot na sa 203 mga barko at iba pang uri ng sasakyang pandagat ang idineploy ng China sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS) mula nitong huling bahagi ng Agosto hanggang nitong Setyembre 2, ayon sa Philippine Navy nitong Martes.
“This is the highest we have recorded in the vicinity of our 9 occupied features in WPS for this year. While it is not normal, it is within the range of the capability they could project in the South China Sea /WPS. We can attribute the surge to the attention given to Sabina/Escoda Shoal in the last few weeks,” pahayag ni Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, Spokesperson ng Phl Navy sa WPS.
Ayon kay Trinidad, ito’y mas mataas kumpara sa pinakahuling namonitor na 163 vessels mula Agosto 20-26 habang nasa 203 naman mula Agosto 27-Setyembre 2.
Sa nasabing bilang ay 71 ang naispatan sa Escoda (Sabina) Shoal na binubuo ng 53 Chinese Maritime Militia Vessels (CMMVs), siyam na China Coast Guard Vessels (CCGVs), at siyam na People’s Liberation Army Navy (PLAN) warships.
Binakuran na rin ng pinakamalaking Chinese fleet ang Sabina Shoal na pinababantayan sa BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701), ang pinakamalaking barko ng PCG na una nang binangga ng China Coast Guard (CCG) noong Agosto 31 at nagtamo ng pinsala sa insidente. Ang BRP Teresa Magbanua ng PCG ay nakabantay sa Sabina Shoal simula pa noong Abril.
Nasa 52 Chinese vessels naman ang naispatan malapit sa Pagasa Island habang nasa 36 CMNVs ang namonitor sa Iroquios Reef at 26 na sari-saring Chinese vessels ang nakabantay sa bahagi ng Ayungin Shoal. Isa namang CMMV ang nasa Kota Island at isa ring CRSV ang naispatan sa Rizal Reef.
Idinagdag pa ng opisyal na sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal ay nasa 16 Chinese vessels naman ang nakalibot dito na kinabibilangan ng 8 CMMVs, anim na CCGVs, isang PLAN vessel at isang Chinese Research Survey Vessel (CRSV).
Nanindigan naman ang opisyal na ipagpapatuloy ang mandato nito para bantayan ang soberenya at integridad ng teritoryo ng bansa.