Kinondena ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang paglalagay ng China Coast Guard ng floating barrier sa may South portion ng Bajo de Masinloc na humaharang naman sa mga Filipino Fishing Boats (FFBs) na makapasok sa Scarborough shoal at pagkakait sa kanila na makapangisda.
Ayon sa PCG ang floating barrier na mayroong haba na 300 metro ay natuklasan ng mga tauhan ng PCG at BFAR habang sakay ng BRP Datu Bankaw nang magsagawa sila ng routine maritime patrol noong Setyembre 22, 2023 sa paligid ng Bajo de Masinloc (BDM).
Nabatid na tatlong Rigid Hull Inflatable Boats (RHIBs) ng China Coast Guard at service boat ng Chinese Maritime Militia ang naglagay ng floating barrier pagdating ng BFAR vessel sa paligid ng shoal.
Iniulat ng mga mangingisdang Pilipino na kadalasang naglalagay ng mga floating barrier ang mga sasakyang pandagat ng CCG sa tuwing may malaking bilang ng mga mangingisdang Pilipino sa lugar.
Nasa apat na barko ng CCG ang nagsagawa ng 15 radio challenges para tabuyin ang barko ng BFAR at mga Fishing boats.
Ayon sa China Coast Guard crew na ang presensiya ng barko ng BFAR at ng mga Filipino fishermen ay labag sa international law at domestic laws ng People’s Republic of China (PRC).
Tumugon naman ang BFAR vessel at sinabing sila ay nagsasagawa ng routine patrol sa loob ng territorial sea ng Bajo de Masinloc. Nang mapansin ng CCG na may mga media personnel ang sakay sa barko agad ito dumistansiya at umalis.
Ipinahayag ni PCG Commandant, CG Admiral Artemio M Abu, ang kanyang pangako na suportahan ang BFAR at iba pang ahensya ng pambansang pamahalaan sa kanilang pagsisikap na matiyak ang kaligtasan at seguridad ng ating mga mangingisdang Pilipino.
Patuloy na makikipagtulungan ang PCG sa lahat ng kinauukulang ahensya ng gobyerno upang tugunan ang mga hamong ito, itaguyod ang ating mga karapatang pandagat at protektahan ang ating mga maritime domain.