Tiniyak kahapon ng Department of Education (DepEd) na pahihintulutan pa rin nila ang paglalagay ng mga Christmas decorations sa mga pampublikong paaralan.
Ito’y sa kabila ng ‘no decoration policy’ na una nang inilabas ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte.
Ayon kay DepEd Spokesman at Undersecretary Michael Wesley Poa, pansamantala lamang naman ang paglalagay ng Christmas decoration kaya’t wala silang nakikitang problema kung maglalagay ng mga ito sa mga silid-aralan.
Gayunman, kailangang simple lamang ang gawing dekorasyon at hindi ito dapat na gawing permanente.
“Pwede silang mag decorate as long as simple lang. Ang ayaw lang po natin talaga permanently nasa walls,” paliwanag ni Poa.
Una nang ipinag-utos ni Duterte ang ‘no decoration policy’ sa mga silid-aralan upang makapagpokus ang mga estudyante sa kanilang aralin.