Dahil sa paglobo ng kaso, pinag-aaralan ngayon ng Philippine National Police (PNP) na isama na sa index crime ang cybercrime.
Ayon kay PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo, kinokonsidera nila na isama bilang Index Crime ang Cybercrime, kasunod ng mahigit 150 porsyentong pagtaas ng mga kaso sa unang bahagi ng taon kumpara sa nakalipas na taon.
Sinabi ni Fajardo na bumuo na ang PNP ng technical working group (TWG) para pag-aralan ang naturang hakbang.
Sa kasalukuyan, walong focus crime ang itinuturing na Index Crime, o batayan ng sitwasyon ng krimen sa bansa.
Kabilang dito ang theft, rape, physical injury, murder, carnapping ng motorsiklo, carnapping ng motor vehicle, robbery at homicide.
Samantala, binati naman ni PNP Chief Police Gen. Benjamin Acorda Jr. ang mga pulis sa naitalang 10% pagbaba ng index crime, kung saan 18,660 kaso ang iniulat sa unang 6 na buwan ng taon, kumpara sa 20,765 sa kahalintulad na panahon noong 2022.