Nanawagan ang isang grupo ng mga mangingisda ng karagdagang paghihigpit sa mga kompanyang sangkot sa reclamation projects sa Manila Bay matapos ang pagsuspinde ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga proyektong ito.
Ayon sa isang statement ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), dapat lang na agarang bawiin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang 21 environmental compliance certificates (ECC) ng mga reklamasyon sa Manila Bay kasabay ang ilan pang dagdag na aksyon dito.
“Higit sa lahat, hindi sapat ang suspensyon lamang ng mga proyekto, kundi dapat ay may kaakibat na pananagutan sa mga kumpanyang nagdulot ng pagkasira ng ating pangisdaan at sapilitang paglikas ng mga mangingisda,” dagdag pa ng statement ng PAMALAKAYA.
Ilang araw bago ang pagsuspinde ng pangulo sa mga proyektong ito, ilang grupo ang nagpahayag ng kanilang pag-aalala sa reclamation projects dahil sa epekto nito sa kapaligiran at ang pagkasangkot dito ng isang companyang pagmamay-ari ng China. Kabilang dito ang ilang mga senador at ang US Embassy.
Panawagan din ng pangkat ang pagbabalik ng mga mangingisdang sapilitang pinaalis sa kanilang mga tirahan dulot ng reklamasyon, katulad ng higit 300 pamilyang mangingisda na sapilitang pinalikas sa Bacoor City, Cavite.
“Dapat din manumbalik ang mga nasirang bakawan (mangroves) sa mga komunidad ng mangingisda,” dagdag pa ni Ronnel Arambulo, Vice Chairperson ng PAMALAKAYA.
Idiindin ng PAMALAKAYA na dapat mabayaran nang husto ang mga pamilyang naapektuhan ang hanapbuhay dulot ng mga reclamation project. Iminungkahi din sa pangulo na i-“certify as urgent” ang House Bill 2026 na ipagbabawal ang kahit anong reklamasyon sa Manila Bay.
Ayon sa PAMALAKAYA, kasama sa mga proyektong mayroong ECC ang 420-hectare reclamation sa Bacoor, Cavite; ang 360-hectare na Pasay Reclamation Project; 318-hectare na Manila City Waterfront Project; at ang 419-hectare na Horizon Manila Project.