Pumalo na sa 34 katao ang nasawi sa hambalos ng bagyong Carina at Southwest Monsoon o Habagat.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP) dahilan ng pagkasawi ng mga biktima ay pagkalunod, pagguho ng lupa, pagkakuryente, at pagbagsak ng mga puno.
Sa Calabarzon, sinabi ng Police Region Office 4A na 12 katao ang naiulat na namatay, kabilang ang lima sa Batangas, apat sa Rizal, at tatlo sa Cavite.
Nasa dalawa katao naman ang nawawala sa Cavite at Rizal, at anim na iba pa ang sugatan.
Sa Metro Manila, sinabi ng National Capital Region Police Office(NCRPO), na 11 katao ang nasawi kabilang ang tig-3 sa Maynila at Quezon City, tig-1 sa Malabon, Valenzuela, San Juan, Mandaluyong, at Pasay. Walo rin ang sugatan sa QC.
Samantala sa Central Luzon, sinabi ng Police Regional Office 3 na siyam ang naiulat na namatay, kabilang ang anim sa Bulacan at tatlo sa Pampanga.
Dalawa ang nawawala sa Bataan at Zambales.
Naapektuhan ng Habagat, Carina, at Butchoy ang kabuuang 1,319,467 katao o 299,344 pamilya sa lahat ng rehiyon sa bansa maliban sa Eastern Visayas, ayon sa updated na ulat ng NDRRMC.
Sa mga apektadong populasyon, 211,396 katao o 53,414 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center. May kabuuang 317 bahay ang nasira.
Sa agrikultura umakyat na sa P9,706,852 ang pinsala habang sa imprastraktura, P1,298,974 ang nasira.
Idineklara ang state of calamity sa Cavite; Pinamalayan at Baco sa Oriental Mindoro; San Andres sa Romblon; Jose Abad Santos sa Davao Occidental; Kabacan at Pikit sa Cotabato, Bataan, Bulacan, Cavite, Batangas at Metro Manila.
Sa ngayon, nasa P61,338,767 ang tulong na naibigay sa mga biktima, ayon sa NDRRMC.