Kakain pa ng isang taon o aabutin pa nang hanggang September 2024 bago makumpleto ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang paghahatid ng physical national ID cards sa mga Pinoy na nagparehistro sa Philippine Identification System (PhilSys).
Ayon kay PSA head Claire Dennis Mapa, mayroon nang 81 milyong Filipino ang nagparehistro sa PhilSystem pero mababa pa sa kalahati o nasa 39.7 milyon pa lamang ang nakatanggap na ng kanilang physical identification cards at nasa 41.2 milyon naman ang naisyuhan ng ePhilID na naimprenta sa papel.
Sinabi ni Mapa na ang backlog ay dahil sa card printing capacity na kaya lamang makapag-accommodate ng hanggang 80,000 cards kada araw.
Anya, patuloy ang pagdami ng mga nagpaparehistro pero mabagal naman ang kanilang printer sa paggawa ng mga cards kayat dumarami ang backlog.
Gayunman, patuloy anya ang pag-iimprenta nila sa paraang first-in, first-out basis.
Sa kasalukuyan, target ng PSA ang cumulative registration na 101 milyong Filipino pagsapit ng 2024.