Posible umanong abutin pa ng tatlo hanggang limang taon bago maibalik ng Department of Education (DepEd) ang lumang school calendar.
Ayon kay DepEd spokesperson at Undersecretary Michael Poa, ang naturang timeline ay base sa kasalukuyang pag-aaral na isinasagawa ng ahensiya.
Aniya, inaantabayanan pa rin nila ang pinal na ebalwasyon ng grupo hinggil dito.
Mayroon rin aniyang dalawang aspeto ang tinitingnan nila sa ngayon.
Ang una aniya ay kung babalik ba dahil napakainit sa mga silid-aralan kung summer season.
Ang ikalawa naman ay kung sakaling magdesisyon na ngang bumalik sa lumang kalendaryo ay hindi naman ito kaya ngayong taon.
Una nang sinabi ni Poa na kabilang sa ikinukonsidera nila sa kahilingang ibalik ang lumang school calendar ay ang minimum na bilang ng school days.
Ang lumang school calendar ay yaong nagsisimula ng unang Lunes ng Hunyo at nagtatapos sa Marso.
Samantala, hinikayat rin ni Poa ang mga opisyal ng pamahalaan na huwag nang i-require ang mga mag-aaral na pumasok sa paaralan kung napakainit ng panahon dahil maaari naman aniya silang magpatupad ng alternative delivery modes.