Kapwa nagpahayag ng katapatan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine National Police (PNP) sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang kanilang Commander-in-Chief.
Ang pahayag ng AFP at PNP ay kasunod ng video post ni Ret. Brig Gen. Johnny Macanas Sr. sa social media na pagsuporta umano nina AFP Chief General Romeo Brawner Jr. at PNP Chief General Benjamin Acorda Jr. sa tangkang destabilisasyon sa pamahalaan.
Ayon kay Brawner, mananatili ang kanilang katapatan sa Saligang Batas gayundin ang walang pasubaling pagganap sa kanilang mandato.
Wala umanong basehan ang naging pahayag ni Macanas.
Tiniyak ni Brawner sa mga Pilipino na patuloy silang magpapamalas ng pinakamataas na pamantayan ng propesyonalismo at kanila ring tutuparin ang sinumpaang pangako na maging tagapagtanggol ng soberanya at demokratikong prinsipyo.
Samantala, sinabi naman ni PNP public Information Office Chief, Col. Jean Fajardo na mananatili silang apolitical, intact, solido, at propesyonal.
Dagdag pa ni Fajardo, bagaman iginagalang nila ang kalayaan sa pamamahayag ng ilang mga retiradong heneral ng Militar at Pulisya hinggil sa mga usaping panlipunan, makabubuti aniyang huwag nang idamay dito ang kanilang hanay.
Inamin ni Fajardo na ikinagulat nila ang nasabing post ng retiradong military official.