Halos 20 Pilipinong mandaragat ang binihag ng grupong Houthi mula Yemen matapos pasukin ng huli ang isang cargo ship sa timog bahagi ng Red Sea, pagkukumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ngayong Miyerkules.
Ayon pa kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega, posibleng may koneksyon daw ang naturang aksyong ito sa digmaang nangyayari sa pagitan ng mga militanteng Palestino at Israel.
“May 17 na Pilipino ayon sa manning agency… kasama iba’t ibang dayuhan,” wika ni De Vega sa panayam ng GMA News kanina.
“Nababahala tayo dito. This is not the first time na may na-hostage na ganyan. Meron itong koneksiyon sa giyera ngayon sa Hamas at Israel dahil tinarget nila itong bapor na ito dahil Israeli-owned daw although Japanese ‘yung company.”
Sinasabing kaalyado ng mga Houthi ang Hamas at gobyerno ng Yemen, maliban pa sa paminsan-minsang pakikipag-kaibigan sa Rusya. Patuloy ang pakikipagbakbakan ang Hamas atbp. Palestinian groups sa Israel, na kilalang iligal na umookupa sa naturang estado, ayon na rin sa United Nations.
Gayunpaman, umaasa ang DFA na tutupad sa usapan ang mga hostage-takers na wala silang sasaktang banyagang bihag.
Nakatakda naman na raw ngayong araw ang isang pagpupulong kasama ang Malacañang para mapag-usapan kung paano magandang harapin ang sitwasyon.
“Hindi namin pababayaan ang kanilang kapakanan. The safety of our kababayans abroad is a paramount policy and priority ng ating pamahalaan. Antabayanan ninyo at makakahanap tayo ng paraan na masagip sila,” dagdag pa ni De Vega.