Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na hindi makakaapekto sa kanilang operasyon ang early retirement ng nasa 1,793 pulis.
Sinabi ni PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo na wala pa ito sa isang porsiyento ng kabuuang puwersa ng PNP.
Sa katunayan aniya, may mga paraan at hakbang silang ginagawa upang mapunan ang bilang ng mga pulis na mawawala sa kanilang hanay.
Ang mga nagbitiw ay naka-20 taon na sa serbisyo at pinili ang maagang pagreretiro upang hindi na mahagip ng panukalang pagbabago sa kanilang pension system.
Batay sa record ng PNP Retirement and Benefits Administration Service, nagbitiw sa PNP ang nasabing bilang ng pulis mula Enero 1 hanggang Hulyo 13.
Aminado ang PNP na isang sanhi ng availment ng optional retirement ay ang pagdududa sa bagong military and other uniformed personnel (MUP) pension scheme dahil maaaring maipatupad ang pagbaba ng take home pay ng mga pulis para naman idagdag sa kanilang pension.