Hindi nasira ang siyam na airport sa Luzon sa kabila ng pagtama ng magnitude 6.3 na lindol sa Batangas nitong Huwebes ng umaga.
Sa pahayag ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), walang malaking pinsala sa gusali at equipment ng San Jose Airport sa Occidental Mindoro.
Hindi rin nasira ang Calapan Airport, Jomalig Airport, Lubang Airport, Mamburao Airport, Pinamalayan Airport, Sangley Airport, San Jose Airport, Subic Airport, at Clark Tower.
Paglilinaw naman ng Manila International Airport Authority (MIAA), hindi nakaapekto sa operasyon ng mga paliparan ang isinagawang inspeksyon sa mga airport terminal.
Sinabi naman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), dakong 10:19 ng umaga (Huwebes) nang maitala ang sentro ng pagyanig 15 kilometro timog kanluran ng Calatagan, Batangas.