Nagpatulong si European Union Ambassador to Manila Luc Veron sa mga Pilipino hinggil sa kaniyang susuotin sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Lunes, Hunyo 12, upang masiguro umanong masasalamin ito sa mayamang kultura at tradisyon ng Pilipinas.
Sa isang Twitter post nitong Sabado, Hunyo 10, nagbahagi si Veron ng dalawang larawan kung saan nakasuot siya ng dalawang magkaibang Barong Tagalog.
Doon ay naglagay ang ambassador ng poll para makaboto umano ang mga Pinoy kung aling Barong Tagalog ang mas bagay at mas maganda para sa kaniya.
“ Attention, all Filipinos! Help me choose a Barong Tagalog to wear on Philippine Independence Day! Cast your vote in the thread below to let me know which Barong you think best celebrates rich culture and traditions. #PhilippineIndependenceDay #LucLoves,” ani Veron sa naturang post.
“Together, let’s make this celebration even more special! ,” dagdag niya.
Pangungunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang tradisyonal na Independence Day Vin d’Honneur para sa mga dayuhang dignitaryo sa Malacañang sa Lunes ng gabi.