Isang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) ang umano’y tumanggap ng suhol para tulungang makalabas ng bansa sina dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo at ang kanyang mga kapatid kahit na nasa ilalim na sila ng immigration lookout bulletin.
Sa pagpapatuloy ng padining ng Committee on Women, Children, Family Relations at Gender Equality tungkol sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) tinanong ni Sen. Risa Hontiveros ang mga opisyal ng law enforcement agencies kung may bagong detalye tungkol sa sinasabing P200 milyon na suhulan.
“Kapani-paniwala ba ‘yung ganyang impormasyon na meron daw mataas na BI official na tumanggap ng P200-M para patakasin si Guo Hua Ping?” tanong ni Hontiveros.
Nauna nang ibinunyag ni Hontiveros na ibinigay ni Guo at ng kanyang mga kapatid ang pera para makalabas ng bansa sa hindi natukoy ng Bureau of Immigration (BI) at iba pang law enforcement agencies.
Ayon kay Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Senior Vice President of Security and Monitoring Cluster Retired General Raul Villanueva na may nakalap silang impormasyon na isang dating PNP chief umano ang tumanggap ng panunuhol.
“Di ko lang alam ‘yong sa exact amount including PNP officials. Hindi ko makumpirma dahil nasa labas ako ng loop, kamakailan. At abala kami ngayon sa pagtulong sa mga law enforcement agencies na humahabol sa mga ilegal na Pogos sa kanayunan o sa mga probinsya,” ani Villanueva.
Nilinaw ni Villanuena na hindi PNP unit ang sangkot kundi mga personalidad.
“Hindi PNP unit (Not PNP unit) but personalities…I think it was mentioned that… a former chief of PNP,” ani Villanueva.
“I don’t know kung anong exact aid ang sinupport but hindi pa naconfirm ‘yan kung nagbigay, nabigyan o tinanggap or may witnesses. ‘Yon lang po ang naririnig namin sa intelligence community. I’m out of the loop lately, ‘di ko rin ma-confirm,” sabi pa ni Villanueva.
Hindi niya rin alam ang pangalan “maliban sa ilang tsismis sa intelligence community na [ito ay] dating hepe ng PNP.”