Iniutos ng Sandiganbayan na arestuhin ang isang dating alkalde ng Rizal kaugnay ng kinakaharap na kasong graft dahil sa mga transaksyon nito noong 2000.
Bukod kay dating Cainta, Mayor Nicanor Felix, ipinaaaresto rin ng 6th Division ng anti-graft court ang mga kasamahang akusado na sina municipal treasurer Herminia Mendoza Cruz, municipal accountant Ophelia Cruz De Guzman at private individual na si Ariel Bautista.
Inilabas ng hukuman ang warrant of arrest matapos mahatulang makulong ng hanggang 26 taon ang tatlo pang akusado sa kaso na sina municipal budget officer Privada Gonzales, municipal bidding committee member Marciano Doroteo, at budget officer Glady Formales kaugnay ng tatlong kasong graft.
Nag-ugat ang umano’y irregularidad dahil hindi dumaan sa bidding ang transaksyon ng local government unit (LGU) sa pagbili ng Contex scanner na nagkakahalaga ng ₱1.4 milyon at pagbili ng miscellaneous supplies (₱448,607) sa Tueance Alera Gentrade Industries noong 2000.
Nilinaw ng korte, naka-archive muna ang rekord ng kaso laban kay Feliz at sa tatlo pang akusado hangga’t hindi pa sila naaaresto.