Hinimok ni dating Manila Congressman Barry Gutierez ang pagkakaroon ng masinop na financial management at strategic planning para makabangon sa mga utang at tuloy mapondohan ng maayos ang mga essential projects ng pamahalaan.
Ito ang pananaw ni Atty. Gutierez na kailangang agad malapatan ng kaukulang atensyon at agarang pagkilos ng gobyerno hinggil sa estado ng ekonomiya ng bansa at national debts.
Anya, isang malaking hamon sa kasalukuyang pamahalaan ang lumolobong national debt na umabot na sa P12 trilyon na minana nito sa nagdaang administrasyon. Ito ay sa kabila na may P5.9 trilyong utang lamang mayroon nang magsimula ang Duterte administration.
“Bago pa man mag-eleksyon alam na natin na yung susunod na president malaki ang problema ang kailangang pasanin dahil malaki yung problemang mamanahin mula doon sa nakaraang administrasyon. Alam naman nating lahat na lumobo yung ating utang. Paano tayo uusad? Paano tayo magbabayad para sa lahat ng kailangan nating proyektong popondohan kung ganyan kalaki ang ating pinapasan na utang,” sabi ni Atty. Gutierrez.
Binigyang diin pa nito na sa ngayon ay nagsisimula pa lamang ang pamahalaan na makabangon mula sa paglupaypay ng ekonomiya ng bansa dulot ng nagdaang pandemya na maraming negosyo ang nagsara at maraming Pilipino ang nawalan ng hanapbuhay.
Kinilala naman nito ang pagkakaroon ng bahagyang paglakas sa pagdepensa ng kasalukuyang administrasyon sa usapin ng karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.