Ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang gun ban sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Hulyo 24.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, ang gun ban ay magsisimula ganap na alas-12:01 ng umaga ng Hulyo 24 hanggang alas-12 ng hatinggabi ng Hulyo 25.
Tanging ang mga miyembro lamang ng PNP, Armed Forces of the Philippines, at iba pang law enforcement agencies na may official duties at naka-uniporme ang pinapayagang magdala ng baril.
Ani Fajardo, ang gun ban ay bahagi ng pagtitiyak ng PNP na maisasagawa ng tahimik at maayos ang ikalawa SONA ni Pangulong Marcos.
Una nang sinabi ni PNP Chief Benjamin Acorda na humigit-kumulang 23,000 pulis at force multipliers ang ipapakalat para tiyakin na magiging maayos at payapa sa naturang araw.
Sa ngayon aniya ay wala naman silang natatanggap na anumang banta laban sa Pangulo.
“With regards to threat assessment, wala tayong nare-receive na threat”, ani Acorda.
Bagamat papayagan ang cause oriented groups, lilimitahan naman ang mga kilos-protesta sa mga itatakdang lugar.