Plano umanong maghain ng Commission on Elections (Comelec) ng election-related offense case laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo matapos ibunyag ng National Bureau of Investigation (NBI) na nag-match ang fingerprints ng alkalde at ng Chinese na si Guo Hua Ping.
Ayon kay Comelec chairman George Garcia, misrepresentasyon ang kasong maaaring ihain ng poll body laban kay Guo, “motu proprio” o sariling pagkukusa nito.
Matatandaang nang maghain ng Certificate of Candidacy (COC) si Guo sa pagka-alkalde ng Bamban noong 2022 elections, lumagda siya ng deklarasyon na siya ay isang Pinoy at hindi isang permanent resident o immigrant sa isang dayuhang bansa.
Ani Garcia, maaari ring maharap si Guo sa kasong perjury dahil sa pagsisinungaling under oath, at palsipikasyon o pamemeke ng mga pampublikong dokumento na may 3-5 taong pagkakulong.
Nanindigan rin si Garcia na ang batas ng bansa ay aplikable sa lahat, maging Pinoy man sila o dayuhan, kahit sila may nahalal na sa eleksiyon.