Inayudahan na ang mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha sa Cotabato kamakailan.
Sa social media post ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Huwebes, nasa 1,829 na pamilya mula sa Kabacan ang tumanggap na ng family food packs (FFPs) mula sa Disaster Response Management Division ng ahensya.
Sinabi ni DSWD Field Office XII Director Loreto Cabaya, Jr., napinsala ang mga bahay at nawalan pa ng pagkakakitaan ang mga nasabing pamilya nang magkaroon ng pagbaha sa lugar dulot ng matinding pag-ulan.
“We are fully committed to providing immediate assistance to our fellow citizens in times of crisis,” anang opisyal.
Aniya, isinagawa ang pamamahagi ng FFPs sa pakikipagtulungan ng provincial government ng Cotabato.
Matatandaang aabot sa 3,000 pamilya ang inilikas ng gobyerno sa nasabing bayan dahil na rin sa pagbaha na resulta ng walang tigil na pag-ulan nitong Martes.