Tiwala ang Philippine National Police (PNP) na bilang na ang araw ni Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy na pinaniniwalaang nagtatago sa underground bunker ng KOJC Compound matapos na ma-detect ang ‘heartbeat’ nito.
Ayon kay PNP Region XI spokesperson Catherine Dela Rey, na-detect ang heartbeat ni Quiboloy matapos na gamitin ng PNP ang kanilang ground-penetrating radar sa underground bunker na nasa KOJC compound. Sa ngayon aniya, hinahanap nila ang pasukan ng bunker.
“As of now, what we’re really looking for is the entrance to the bunker because the life detection device we used has positively detected heartbeats underground,” ani Dela Rey.
Sa katunayan umano maraming heartbeats ang na-detect sa bunker na indikasyon na posibleng nasa ilalim ng lupa nagtatago si Quiboloy.
Nabatid na ang ground penetrating radar ay naglilikha ng imahe sa pamamagitan ng radar pulses. Natutukoy din nito ang heartbeats, kilos at heat signature.
Samantala, tatlong protesters ang dinakip bunsod ng ginawang pagharang at pananakit sa mga pulis.
Pitong pulis ang nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan matapos kuyugin ng mga miyembro ng KOJC nang sumiklab ang tensiyon sa isinagawang prayer at lightning rally kamakalawa ng kagabi sa harapan ng compound.
Subalit imbes na kandila ang sindihan ay nagsunog na ng gulong ng sasakyan ang mga ito at humarang na sa gitna ng kalsada dahilan upang awatin ng mga pulis at doon na nagsimula ang kaguluhan.
Nahaharap ang tatlo sa kasong obstruction of justice at direct assault.