Nasa mahigit 50 Chinese vessels ang namataan ng militar sa bisinidad ng Iroquois Reef at Sabina Shoal sa West Philippine Sea (WPS) sa isinagawang air patrol ng mga awtoridad.
Ang naturang air patrol ay ikinasa noong Hunyo 30 ng Western Command (WesCom) ng AFP at sinabing nasa 48 Chinese fishing vessels ang namataan malapit sa Iroquois Reef na nasa timog ng Recto Bank sa WPS.
Ayon kay Lieutenant Karla Andres, co-pilot ng light patrol aircraft ng Philippine Navy, nakita ang mga barkong pangisda “anchored in groups of five to seven and no fishing activities were noticed.”
“They seem to just loiter in the area,” anang WesCom.
Batay sa naunang Intelligence Surveillance and Reconnaissance (ISR) flights, tumaas sa 47 noong Hunyo 12 ang Chinese fishing vessels sa lugar mula sa 12 noong Pebrero.
Bukod sa Chinese fishing vessels, 3 barko ng China coast guard (CCG) ship at 2 People’s Liberation Army Navy vessels ang nakitang regular na tumatambay malapit sa Sabina Shoal.
Samantala, 2 wooden re-supply boats ng Pilipinas at 2 barko ng Philippine Coast Guard (PCG) ang namataan sa kaparehong lugar.