Umaabot na sa mahigit 7,000 paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nagsuspinde na ng kanilang face-to-face classes dahil sa matinding init ng panahon.
Ayon sa Department of Education (DepEd), nasa 7,080 na, mula sa kabuuang 47,678 paaralan sa bansa o 14.8% ang nag-anunsiyo ng suspensiyon ng in-person classes at lumipat na ng alternative delivery modes.
Nabatid na pinakamaraming apektadong paaralan sa Central Luzon na nasa 1,903.
Sumunod naman ang Central Visayas na nasa 870 at Western Visayas na nasa 862.
Sa National Capital Region (NCR) naman, nasa 311 paaralan na ang nagsuspinde ng face-to-face classes.
Una nang binigyan ng DepEd ang mga school heads at mga local government units (LGUs) ng awtoridad at diskresyon upang magsuspinde ng face-to-face classes kung napakainit ng panahon sa kanilang nasasakupan para na rin sa kapakanan ng kanilang mga mag-aaral at mga guro.