Dinerekta ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. na suriin ng Philippine National Police ang kanilang operational procedures matapos aksidenteng mapatay ng pulis ang 17-anyos na si Jerhode Jemboy Baltazar sa isang operasyon nitong August 2.
Inihayag ni Secretary Abalos ang kanyang dismaya sa insidente at binanggit na magkakaroon siya ng pagpupulong kasama ang PNP ukol sa dapat gawing aksyon dito.
“Nagpatawag ako na dapat namin na i-review ang operational procedure, kamukha nitong hot pursuit, ano ang dapat gawin. Dapat hindi na maulit ito,” sabi ng secretary sa lamay ni Baltazar nang bumisita siya dito kahapon, August 10.
Binanggit din ng secretary na sisiguraduhin niyang makakamit ng pamilya ni Baltazar ang hustisya sa insidenteng ito at mapaparusahan ng wasto ang mga pulis na sangkot dito.
Maaalalang nagsagawa ang mga pulis noong August 2 ng isang operasyon sa Navotas City laban sa isang murder suspek at napagkamalan si Baltazar kung kaya’t nabaril siya ng anim na pulis na kasama sa operasyon.
Inamin naman ni Navotas City Police chief Colonel Allan Umipig na biktima ng “mistaken identity” si Baltazar at kasalukuyang nasa restrictive custody na ang anim na pulis na kasangkot dito.
Ang ina ng biktima na si Rodaliza Baltazar, isang OFW sa Qatar, ay nakauwi na sa bansa nitong umaga sa tulong ng gobyerno matapos malaman ang balita sa kanyang anak.