Isang sunog ang sumiklab sa isang international school (IS) sa Quezon City kahapon, sa kasagsagan ng klase ng mga mag-aaral.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-8:59 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa Starland International School (SIS) na matatagpuan sa 12th Avenue, Brgy. Socorro, Quezon City.
Ayon sa isang opisyal ng paaralan, kasagsagan ng klase ng mga estudyante nang magsimula ang sunog.
Kaagad naman umanong nailikas ang mga mag-aaral, mga guro at mga empleyado ng paaralan at pawang nasa maayos silang kalagayan.
Nabatid na naitaas ang sunog sa unang alarma dakong alas-9:04 ng umaga at sa ikalawang alarma bago naideklarang under control dakong alas- 9:57 ng umaga.
Tuluyan naman itong naideklarang fireout bandang alas-10:18 ng umaga kahapon.
Ayon sa BFP, inaalam pa nila ang pinagmulan ng sunog, gayundin ang halaga ng pinsalang idinulot nito sa paaralan.