Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang PDP-Laban para pigilan ang plano ng Commission on Elections (COMELEC) na magpatupad ng online voting para sa mga OFWs sa 2025 midterm elections.
Sa “Petition for Certiorari and Prohibition, with a prayer for a Temporary Restraining Order (TRO) and a writ of preliminary injunction”, hinihimok ang poll body na ipatupad ang manual counting at on-site canvassing para sa overseas voting. Binabanggit sa petisyon ang Republic Act 9369 (Automated Election Law) at RA 10590 (Overseas Absentee Voting Act).
Kinuwestiyon sa petisyon ang pagpapahintulot ng mga resolusyon sa automated at online na paraan ng pagboto gayung wala pang batas ukol dito, at lumalabag sa mga pangunahing probisyon ng Election Automation Law at ng Overseas Voting Act.
Ang mga petisyuner ay sina PDP-Laban Vice Chairman Alfonso Cusi, kasama sina Atty. Raul Lambino, Jimmy Bondoc, Vic Rodriguez, Glenn Chong, at tumayong legal counsel na si Atty. Israelito Torreon.
Binigyang-diin nila na ang mga resolusyon ay sumisira sa integridad ng proseso ng elektoral at na-bypass ang Kongreso sa pamamagitan ng pagpapakilala ng online voting na mula sa administrative order.
Sinabi naman ni Comelec Chair George Erwin Garcia na ang RA 10590, na nag-amyenda sa Overseas Voting Act, ay nagpapahintulot sa Comelec na makipagsapalaran sa iba pang paraan ng pagboto.
Anya, ang pagboto sa Internet ay sumailalim sa tamang konsultasyon, kasama ang Kongreso.