Inilutang ni Deputy Speaker at 6th District Batangas Rep. Ralph Recto ang posibilidad na ang ibinebentang isda ng China sa Pilipinas ay galing mismo sa ating karagatan.
Inihayag ni Recto na ang mga isda na ipinakakain ng China sa 1.412 bilyon nitong mamamayan ay galing sa karagatang nasasaklaw ng Pilipinas sa WPS at maging sa panlilimas sa mayayamang reefs.
Ang masakit pa sabi ni Recto, ay bumibili ang Pilipinas ng isda mula sa China pero ang ibinebenta sa atin ay galing mismo sa sarili nating teritoryo ng karagatan.
“The value of this stolen fish is in the billions of pesos, not annually, but monthly. The Chinese fishing militias help pull off this great ocean robbery, by serving the dual purpose of harassing Filipino boats and ships, and by harvesting the bounty of the seas, both done in illegal and dangerous manners,” ani Recto.
Ang China rin anya ay ang number 1 source ng imported na isda na nasa 32.92% na nagkakahalaga ng $247 milyon o katumbas na P12.145 bilyon noong 2021.
“Ibig sabihin, mula sa inangkat sa China, pwedeng bigyan ng halos tig-1.5 kilos na isda ang bawat Pilipino. Ang tanong: Is this a case of balikbayan fish? Hinuli dito sa atin ng iligal, ngunit ibinenta at ibinalik ng ligal? If true, this is the worst kind of fish migration,” ayon pa kay Recto.
Dahil sa blockade ng mga Chinese sa WPS, inamin mismo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nabawasan ng 7% ang kabuuang pambansang produksyon ng huling isda.
Idinagdag pa ni Recto na ang ginagawa ng China ay isang malakas na suntok sa sikmura ng mga Pilipino.