Inanunsyo ng Israel nitong Lunes, Hunyo 5, ang pagpapalawak ng embahada nito sa Pilipinas bilang pagdiriwang umano sa lumalagong relasyon ng dalawang bansa.
“We’re thrilled to announce the expansion of our Embassy, reflecting the growing and flourishing relations between Israel and the Philippines,” pahayag ng Embassy in the Philippines.
Pinasinayaan umano ni Israeli Foreign Minister Eliyahu “Eli” Cohen ang mga bagong tanggapan ng embahada sa kanyang pagbisita sa Maynila.
Matatandaang dumating sa Maynila si Cohen nitong Linggo ng gabi, Hunyo 4, para sa kaniyang 2-day visit na naglalayon umanong palakasin ang magandang relasyon sa pagitan ng Israel at Pilipinas.
Sa kaniyang pagbisita sa bansa, inaasahan umanong maganap ang courtesy call ni Cohen kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang bilateral meetings kasama si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo, at ang pagpapalakas ng trade at economic cooperation kasama si National Economic and Development Authority (NEDA) Director-General Arsenio Molina Balisacan.
Bukod dito, nakatakda ring lumagda ang Israeli Foreign Minister sa mga magiging kasunduhan, at lumahok sa mga pagpupulong kasama ang publiko at pribadong sektor.