Nakapagtala pa ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng lima pang pagyanig sa Kanlaon Volcano sa nakaraang 24 oras.
Sinabi ng Phivolcs, ang sunud-sunod na volcanic earthquake ay naitala nitong Linggo dakong 5:00 ng madaling araw hanggang Lunes, dakong 5:00 ng madaling araw.
Nitong Sabado hanggang Linggo, tumindi pa ang pag-aalburoto ng bulkan matapos yumanig ng 34 na beses.
Gayunman, naobserbahan ng ahensya ang mahinang usok na ibinuga ng bulkan sa nakalipas na 24 oras.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) dahil sa inaasahang phreatic explosions.
Kasalukuyang ipinaiiral ang Alert Level 1 status ng bulkan.