Nananawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP) na maglagay ng mas maraming historical markers bilang pagkilala sa lahat ng iba pang mga bayani at sa kanilang naiambag sa kalayaang tinatamasa ngayon ng mga Filipino.
Ang panawagan ay ginawa ni Lacuna nang pangunahan ang 452nd Anniversary ng Kagitingan ng Bangkusay sa Moriones Plaza, Tondo, Manila nitong Sabado, Hunyo 3.
Ayon kay Lacuna, “Maisaalang-alang na rin sana ang pagkakaroon ng mga panandang kasaysayan na magpapanatili sa alaala ng mga bayaning tulad nila Raha Soliman, Raha Matanda, Lakan Dula at iba pa. Ang kanilang kagitingan, katapangan, at malasakit sa kasarinlan ng bayan ay higit pa sa mga isinulong ng mga dayuhan sa layunin nilang manakop ng iba bansa.”
“Ang angkop na pagpaparangal kina Raha Soliman, Raha Matanda, Lakan Dula at iba pa ay tiyak na makapagbibigay ng inspirasyon sa ating mga Batang Maynila na palalimin ang diwa ng pagka-Pilipino,” dagdag pa niya.
Anang lady mayor, sa pamamagitan ng hakbang na ito ay umaasa siya na ang pagmamahal sa bayan at mga kababayan ay maikikintal sa puso at isipan ng lahat ng Filipino.
Muli rin namanng binanggit ng alkalde ang kabayanihan ng mga nagsilbi bilang frontliners na inuna ang kapwa bago ang kanilang sarili, lalo na ang mga nahawahan ng sakit at mga namatay sa pagsisilbi sa kapwa.
Aniya, “Maikintal nawa sa isip ng ating mga kababayan ang pagmamahal sa bayan. Ang pagsusulong sa kapakanan ng lahat at di lang para sa sarili. Ito rin marahil ang isang malaking aral na natutunan natin nang maranasan natin ang bagsik ng pandemiya. ‘Di maitatanggi na nagkaroon tayo ng pagkakataon na magkatulungan, magkapit-bisig, at magbayanihan upang maitawid ang bawat isa sa panganib ng COVID-19.”
Binigyang-diin pa ni Lacuna na ang Tondo ay hindi lamang daungan ng mga sasakyang pandagat kundi lugar din kung saan naganap ang mga mahahalagang pangyayari sa kasaysayan tulad ng pagbuo sa Ilaya ng La Liga Filipina ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal at tahanan ng bayaning sina Gat Andres Bonifacio at Macario Sakay, na nakipaglaban sa mga Kastila at Amerikano hanggang sa kanilang huling hininga para sa kalayaan.
Samantala, pinangunahan rin naman ni Lacuna ang seremonya ng pag-aalay ng bulaklak sa nasabi ring okasyon kung saan sinamahan siya nina Hagonoy, Bulacan Mayor Flordeliza Manlapaz, National Historical Commission of the Philippines head Dr. Emmanuel Calairo, Macabebe, Pampanga Vice Mayor Vince Edward Flore, at Bulacan Provincial Administrator Antonia Constantino, na kanya ring winelcome lahat sa Maynila.
Matatandaang noong Hunyo 3, 1571, mahigit na 2,000 katutubong mandirigma mula Hagonoy, Macabebe at mga kalapit na lalawigan ay nakipaglaban sa mga mananakop na Kastila sa Luzon na pinamumunuan ni Miguel Lopez de Legazpi, sa isang daluyan ng tubig na tinawag na “Bankusay Channel”.
Sinabi ng NHCP, na bigo man ang mga katutubo na itaboy ang mga Kastila, ang Battle of Bankusay ay nanatiling makasaysayan at mahalagang bahagi ng kasaysayan ng bansa dahil isa ito sa pinakahuling pagtatanggol ng mga katutubo ng Maynila laban sa mga Kastila.
Ang pagtatapos ng sagupaan sa pagitan ng mga katutubo at Kastila ang isang dahilan na nagtulak kay Legazpi na itatag ang Lungsod ng Maynila, dagdag ng NHCP.