Pinaalalahanan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang mga local government units na maaari nilang gamitin ang mga natatanggap nilang pondo mula sa ahensya para sa pangangailangan sa nutrisyon ng kanilang mga nasasakupan kasabay ng paggunita ng bansa ng National Nutrition Month.
“We are one with the nation in commemorating National Nutrition Month. I would like to take this occasion to remind our LGUs that they may also use their PCSO shares for their nutrition programs,” ani PCSO Chairman Junie E. Cua.
“I hope that these shares will help our LGUs implement their policies for children’s nutrition,” dagdag pa ng opisyal.
Nabatid na nakatanggap ang mga LGU ng halos P1 bilyon na bahagi mula sa mga nalikom sa lotto at small town lottery (STL). Ang lotto shares ay nagkakahalaga ng P395,224,629, habang ang STL shares ay nagkakahalaga ng P552,948,639 para sa kabuuang P948,173,268.
Sinabi ni Cua na ang PCSO ay may mandato na ibahagi ang lotto at STL proceeds sa mga LGU, kung saan ang mga lungsod at munisipalidad ay tumatanggap ng limang porsyento habang ang mga lalawigan naman ay tumatanggap ng 2 porsyento.
Ayon kay Cua, ang mga bahaging ito ay maaaring gamitin para sa malakihang bilang ng mga pangangailangang pangkalusugan at medikal.
Nanawagan naman si Cua sa mga LGU na unahin ang kanilang milk feeding/nutrition programs, bilang tugon sa natuklasan ng National Nutrition Council (NNC) na apat sa 10 pamilyang Pilipino sa bansa ang hindi na kumakain ng malusog at masustansyang pagkain.
Ayon sa United Nations Children’s Fund (Unicef), 95 batang Pinoy ang namamatay kada araw dahil sa malnutrisyon, habang 27 sa bawat 1,000 bata ang hindi na lumalagpas sa kanilang 5th birthday.
Ayon naman sa World Bank, isa sa bawat tatlong batang Pinoy edad 5 taon pababa ang stunted o bansot.