Batas na ang panukala na naglalayong gawing libre ang college entrance examination sa mga pribadong higher education institutions (HEIs) para sa mga kuwalipikadong estudyante matapos itong mag-“lapse into law,” ayon sa Malacañang.
Layunin ng Republic Act No. 12006 na tatawagin ding ‘Free College Entrance Examination Act’ na pagaanin ang tertiary education sa mga kapuspalad ngunit matatalinong mag-aaral kung saan hindi na sila sisingilin sa entrance examination fees at charges para sa college admission.
Sa ilalim ng bagong batas, ang lahat ng private HEIs ay inaatasang huwag maningil ng naturang fees at charges na ipinatutupad sa graduates at graduating student na nag-aaplay para sa college admission.
Ang batas ay para sa mga natural-born Filipino citizen at mula sa top 10% ng graduating class. Dapat din ay mula sila sa pamilya na walang kakayahang tustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Maaring mag-apply ang mga kwalipikadong estudyante sa alin mang pribadong eskwelahan sa bansa at kinakailangan na kumpletuhin ang requirements.
Inaatasan ang Commission on Higher Education (CHED) na parusahan ang mga pribadong eskwelahan na lalabag sa bagong batas.
Pinababalangkas din ang CHED ng Implementing Rules and Regulations (IRR) sa loob ng 60 araw mula nang maging epektibo ang batas. Inaatasan din ang CHED na makipag-ugnayan sa Department of Education.
Pinakokonsulta ang CHED sa Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines at iba pang mga kahalintulad na institusyon.
Sa ilalim ng Konstitusyon, may 30 araw ang Pangulo ng bansa na lagdaan ang batas o i-veto.
Magiging batas ito kung hindi aaksyunan ng Pangulo ng bansa sa loob ng 30 araw.