Pinaalalahanan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang publiko na nag-aalok sila ng libreng medical consultation sa kanilang main office.
“Nais lang nating ipaalala sa ating mga kababayan na mayroon tayong Multi-Specialty Clinic na maaari nilang puntahan para makapagpakonsulta sa kanilang mga karamdaman. Libre po ang serbisyo na ito,” ani PCSO Chairman Junie E. Cua.
Ang Multi-Specialty Clinic sa ilalim ng Medical Services Department ng ahensya ay nakabase sa PCSO Main Office sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City.
Ang nasabing klinika na nagbukas noong Abril ay may mga espesyalista sa Cardiology, Neurology at Psychiatry, Ear, Nose, and Throat (ENT), Pulmonology, Gastroenterology, Endocrinology, Orthopedic Surgery, at Ophthalmology.
Pinayuhan ni Cua ang mga interesadong mag-avail ng libreng konsultasyon na tingnan ang social media page ng PCSO para sa updates sa schedules at requirements.
Ayon pa kay Cua, ang Multi-Specialty Clinic ay nilikha upang madagdagan ang access ng publiko sa mga serbisyong pangkalusugan.
Dagdag pa ni Cua, plano rin umano ng PCSO ang pagpapalawak ng kanilang libreng serbisyo sa konsultasyon sa buong bansa.