Nalansag ng mga awtoridad ang isang notoryus na love scam syndicate matapos na maaresto ang nagsisilbing manager nito habang 15 na empleyadong ikinukulong ang nasagip sa rescue operation sa Brgy, Pulong Saging, Silang, Cavite kamakailan, ayon sa opisyal nitong Sabado.
Kinilala ang nagsisilbi umanong manager at mastermind ng sindikato na nadakip na si Kenchi Suico, 26-anyos, binata, at residente ng B5 L5, P2 Mahogany Villas, Calamba City, Laguna.
Ayon kay PNP Public Information Office (PIO) Chief P/Brig. Gen. Redrico Maranan, nasagip sa pagsalakay ang may 15 empleyado na biktima ng serious illegal detention at grave threats.
Ang raid ay isinagawa matapos na humingi ng tulong ang isa sa mga staff ni Suico na si Rayner Villanueva Sasoy sa Silang Municipal Police Station (MPS) sa pamamagitan ng pagtawag sa SMS hotline number at chat sa Facebook messenger.
Sa imbestigasyon ni P/Corporal Menervin Castillo ng Silang Police, sinabi ni Sasoy na illegal umano silang ikinukulong sa isang bahay at pinagbantaan din ng manager na nag-o-operate sa love scam kapag magsusumbong sa awtoridad.
Agad na nagkasa ng rescue operation ang Silang Police nitong Hulyo 13 ng gabi sa pakikipagkoordinasyon sa mga opisyales ng Brgy. Pulong Saging.
Nang dumating sa lugar, nadatnan ng raiding team ang mga biktima habang nakakulong sa premises ng nasabing bahay na naka-padlock.
Nakumpiska ng mga operatiba ng PNP-Anti-Cybercrime Group sa raid ang iba’t ibang electronic devices kabilang ang mga computers at cellphones na gamit sa love scam.
Sa nasabing modus operandi, mambibiktima ang sindikato ng mga potensiyal na target sa social media na hinihingan umano nila ng pera kapag napaniwala sa umano’y iniluhog na pag-ibig ng mga nagpapanggap na mga guwapo at magandang dayuhan na gumagamit ng mga pekeng larawan. — Cristina Timbang