Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na malapit na niyang pirmahan ang panukalang batas na lilikha sa Maharlika Investment Fund (MIF).
“I will sign it as soon as I get it,” paniniyak ng Pangulo sa mga mamamahayag.
Gayunman, ipinaliwanag ng Pangulo na kailangan pa niyang himayin ang mga pagbabago sa approved version ng panukalang sovereign wealth fund ng Kongreso kung saan dapat ay hindi nakokontrol ng gobyerno upang magtagumpay.
“We have made sure that it is not a government, it is independent from the government. One of the changes that even I proposed to the House is to remove the President as part of the Board, remove the Central Bank chairman, remove the Department of Finance,” anang punong ehekutibo.
Matatandaang binanggit ni Senate President Juan Miguel Zubiri nitong Miyerkules na pinirmahan na niya ang “corrected” version ng mungkahing MIF Act na may layuning makaipon ng dagdag na pondo ang pamahalaan para sa mga infrastructure project na makatutulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang MIF ay magkakaroon ng paunang puhunan na P500 bilyong huhugutin sa Bangko Sentral ng Pilipinas, gaming revenues at sa dalawang bangkong pag-aari ng gobyerno.