Pinayuhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang publiko na puwede nang magtungo sa mga satellite office ng ahensya na malapit sa kani-kanilang lugar upang kumuha ng ayuda kaugnay ng anti-poverty program ng pamahalaan.
“Beginning today, June 1, Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) clients should go to the DSWD satellite office nearest their areas of residence as this will be more convenient and economical for them,” pahayag ni DSWD Spokesperson, Assistant Secretary Romel Lopez nitong Huwebes.
Kamakailan, iniutos ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang pagtatatag ng AICS satellite processing areas alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. upang hindi na mahihirapang humingi ng tulong ang publiko.
Ayon sa DSWD, ang IACS ay nagsisilbing social safety net o stop-gap mechanism upang matulungang makarekober ang mga indibidwal o pamilya sa hindi inaaasahang karamdaman, kamatayan ng miyembro ng kanilang pamilya, kalamidad at sa iba pang crisis situations.
Inihalimbawa nito ang mga hihingi ng tulong na taga-Northern Metro Manila na sumasakop sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela, ay dapat na magtungo na lamang sa Camanava satellite office ng DSWD na matatagpuan sa Victory Trade Plaza sa Monumento, Caloocan City.