Walang plano ang Palasyong maglabas ng anumang pahayag tungkol sa ika-51 anibersaryo ng Batas Militar ngayong ika-21 ng Setyembre, bagay na idineklara ng diktador at dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. — ama ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang sinabi ng Malacañang sa ulat ng ABS-CBN News ngayong Huwebes. Kapansin-pansin ding walang nabanggit dito si press briefer Daphne Oseña-Paez nang kaharapin ang press kasama si National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan.
Matatandaang idineklara ni Marcos Sr. ang Martial Law noong ika-21 ng Setyembre taong 1972, bagay na dumulo sa pagkakakulong ng nasa umabot sa 70,000 katao, torture ng 34,000 at pagkamatay ng 3,200 iba pa, ayon sa datos ng Amnesty International.
Matatandaang kwinestyon ni Bongbong noong Enero 2022 ang mga datos na ito habang idinidiing “wala siyang ideya kung paano sila nakarating sa mga nasabing estatistika.”
Nakuha ito ng Amnesty International matapos ang dalawang misyon sa Pilipinas noong 1971 at 1981 sa pagsang-ayon ni Marcos Sr. Inilimbag ang mga ulat noong 1976 at 1982.
Ang mga isyu ng paglabag sa karapatang pantao ay labas pa sa nakaw na yaman, bagay na kinilala bilang totoo ng Korte Suprema noong 2003, 2012 at 2017.
Tinatayang nasa $5 bilyon hanggang $10 bilyon ang ill-gotten wealth matapos mapalayas sa Palasyo ang mga Marcos sa pamamagitan ng EDSA People Power Uprising.