Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang “mandated price ceilings” sa presyo ng regular milled rice at well-milled rice — pero lagpas doble pa rin ito sa ipinangako niyang P20 kada kilo noong panahon ng kampanya.
Bahagi ito ng Executive Order 39 na pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Huwebes matapos irekomenda kay Marcos ang pagkontrol ng presyo sa buong bansa para maging mas abot-kaya ito sa mga Pinoy kasabay ng pagsirit nito sa merkado.
Dahil dito, inuutos na hindi maaaring lumagpas sa sumusunod na presyo ang mga naturang uri ng bigas:
- regular milled rice: P41/kilo
- well-milled rice: P45/kilo
“The mandated price ceilings shall remain in full force and effect unless lifted by the president upon the recommendation of the Price Coordinating Council or the DA and the DTI,” wika ng order.
May kapangyarihan si Marcos magpataw ng price ceiling sa anumang basic necessity at prime commodity alinsunod sa Section 7 ng Republic Act 7581. Agad-agad itong ipapatupad oras na mailimbag sa sa Official Gazette o dyaryong may general circulation.
Nagmula ang rekomendasyong ito ng Department of Agriculture, na siyang pinamumunuan ni Bongbong bilang kalihim, at Department of Trade and Industry sa biglaang pagtaas ng retail prices ng bigas sa bansa, bagay na nagpapaaray ngayon sa maraming Pilipino.
Tinatayang aabot sa 10.15 milyong metrikong tonelada pa ang suplay ng bigas para sa ikalawang semestro ng taon. Sapat pa raw ito para sa kasalukuyang 7.76 MMT demand at maaaring magresulta sa ending stock na 2.39 MM na tatagal ng 64 na araw.