Walang ibinigay na deadline si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa isasagawang imbestigasyon laban sa cartel na nagmamanipula ng presyo ng mga agricultural products kabilang ang sibuyas dahil ayaw niya itong maging “hilaw.”
Sinabi ng Pangulo na nananatiling kalihim ng Department of Agriculture, na ayaw niyang magbigay ng deadline sa imbestigasyon bagaman at nais niyang matapos ito agad.
“Unang-una, hindi ako mahilig magbigay ng deadline. Siyempre gusto ko tapusin nila kaagad pero kailangan tapos hindi hilaw. So, let them do their investigation,” ani Marcos.
Maliwanag naman aniya ang basehan ng imbestigasyon na nagkaroon ng hoarding at kinontrol ang suplay ng sibuyas kaya nagmahal ang presyo.
Malinaw anya ang naging utos niya sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) na kailangang malaman hindi lamang ang sindikato na nasa likod ng pagtaas ng presyo ng sibuyas kundi lahat ng sindikato na nag-o-operate.
Muling inulit ng Pangulo na maituturing na economic sabotage ang pagkontrol sa suplay ng produkto kaya nagmamahal ang presyo.
Ipinahiwatig din niya na may katapusan ang ginagawa ng mga sindikato at hindi sila tatantanan ng gobyerno.