Isang “mas mahigpit na aksyong pandisiplina” ang naghihintay kay Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. para sa kaniyang patuloy na pagliban nang walang opisyal na leave, ayon sa House Committee on Ethics and Privileges nitong Lunes ng hapon, Mayo 29.
Hindi pa naman tinukoy ng komite kung ano ang nasabing mas mabigat na parusa labas kay Teves.
“The Committee on Ethics and Privileges, unanimously decided to recommend to the plenary the imposition of a stiffer disciplinary action to our colleague Arnolfo A Teves Jr. for violation of the Rules of the House of Representatives particularly Rule 20 section 142 subsection A and B of the Code of Conduct and for disorderly behavior,” ani committee chairman, COOP-NATCCO Party-list Rep. Felimon Espares sa isang press briefing.
Nitong Lunes ng umaga, nagsagawa ang panel ng closed-door na pagdinig upang mapagpasyahan umano kung ano ang gagawin kay Teves, kung saan ang 60-araw na pagsususpinde sa kaniya dahil sa “disorderly behavior” ay natapos na noong Mayo 22.
Nang tanungin kung ano ang magiging “stiffer disciplinary action” na ito, sinabi ni panel Vice Chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon na ang pagpapatalsik ay ang susunod na pinakamalupit na parusa ayon sa mga patakaran ng Kamara. Gayunpaman, nais niyang linawin na wala pang desisyon tungkol dito.
“The stiffer penalty from suspension is explusion and there is another penalty that can be imposed, ‘any penalty that the committee may determine’, so yun na lang po yung natitirang options. But I’m not saying na yun yung decision o recommendation ng committee,” ani Bongalon.
Samantala, ayon kay Bongalon, hindi maaaring magrekomenda ang panel ng mas mahabang suspension order laban kay Teves dahil 60 araw ang maximum sa ilalim ng 1987 Constitution.
“So we cannot impose more than that,” aniya.
Sinabi naman ni Espares na anuman ang magiging bagong rekomendasyon ng komite, kailangan muli itong pagbotohan sa plenaryo ng mga miyembro ng Kamara.
Ang rekomendasyon ay maaari umanong i-endorso sa plenaryo sa darating na Martes, Mayo 30, o Miyerkules, Mayo 31, ang huling petsa ng sesyon ng unang regular na session.
Matatandaang inirekomenda ng ethics panel ang 60-araw na pagsususpinde laban kay Teves noong Marso. Pinagtibay ito ng miyembro ng Kamara sa pamamagitan ng unanimous vote sa plenaryo noong Marso 22.
Ang nasabing parusa ni Teves ay nag-ugat sa kaniyang pagtangging bumalik sa Pilipinas at mag-ulat para sa tungkulin sa Kamara sa kabila ng expired na travel authority nito. Umalis siya patungong United States (US) noong Pebrero 28, at inaasahan siyang makabalik sa bansa noong Marso 10.
Si Teves ang itinuturong isa sa mga utak sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso 4.
Tumanggi si Teves na umuwi ng Pilipinas dahil umano sa takot sa kaniyang buhay.