Inihayag ng Philippine Atmospheric Geophysica Astronomical Service Administration (PAGASA) na maituturing na “precursory sign” ng La Niña ang matinding pag-ulan na dulot ng habagat na pinalakas ng bagyong Carina.
Ayon kay Ana Liza Solis, chief ng Climate Monitoring and Prediction Section ng PAGASA, ito ang kanilang minomonitor sa ngayon.
Sinabi nito sa climate forum na habang ang kasalukuyang mga kondisyon ay ENSO-neutral (El Niño Southern Oscillation-neutral), kung saan wala ang La Niña o El Niño, ang kasalukuyang mga pattern ng panahon ay nagpapahiwatig na ang La Niña ay maaaring papalapit na.
Sinabi ni Solis na mayroong 70 porsiyentong posibilidad na mag-develop ang La Niña sa panahon ng Agosto, Setyembre at Oktubre.