Nagbuga muli ng lava ang Bulkang Mayon na umabot sa 2.5 kilometro sa nakaraang 24 oras.
Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang nasabing lava flow ay umabot hanggang Mi-isi Gully.
Umabot naman sa Bonga Gully ang isa pang pagragasa ng lava na umabot sa 1.8 kilometro.
Naitala rin ng Phivolcs ang 299 rockfall events at walong dome-collapse pyroclastic density current (PDC) events.
Nitong Hunyo 21, nasa 574 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinuga ng bulkan, bukod pa ang 750 metrong taas ng usok na tinangay ng hangin pa-timog kanluran.
Ayon sa ahensya, ipinaiiral pa rin nila ang 6-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) ng bulkan na isinasailalim pa rin sa alert level 3 status.
Malaki rin ang posibilidad na rumagasa ang lahar kapag makaranas ng matinding pag-ulan sa lugar, anang ahensya.
Babala pa ng Phivolcs, posible pa ring sumabog ang bulkan anumang oras.
Kaugnay nito, naitala rin ang 13 pagyanig sa Taal Volcano sa nakalipas na 24 oras.
Nagbuga rin ito ng 2,177 tonelada ng sulfur dioxide nitong Hunyo 19.