Handa ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila sa mga posibleng epekto ng Bagyong Betty, sabi ngayong Linggo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Binabantayan ngayon ng MMDA ang posibleng malakas na ulan na dala ng bagyo sa capital region.
“Nakipag-ugnayan tayo sa mga Metro Manila mayors at lahat naman po nag-signify ng kahandaan kung sakali nga pong dumating ang pag-ulan,” ani MMDA Acting Chairman Don Artes.
Kabilang din sa mga inihanda umano ang 71 pumping stations ng MMDA, na makatutulong kontra pagbaha.
“‘Yong 71 pumping station naman po natin ay fully operational, 100-percent capacity… to make sure na ‘pag dumating ‘yong malakas na pag-ulan ay madaling mapapahupa kung mayroon mang pagbaha,” ani Artes.
Tuloy-tuloy din ang paglilinis ng mga kanal.
Nanawagan din ang MMDA sa mga residente na huwag magtapon ng mga basura dahil nagdudulot ito ng pagbara sa mga daluyan ng tubig.
Sa Maynila, naka-standby lang ang mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) habang maganda ang panahon ngayong Linggo.
“Standby pa rin ang mga units natin pati mga manpower… sakaling pumasok man ang bagyo saka kami lalabas po,” ani Rommel Allada, assistant communication officer ng Manila DRRMO.
Sa Baseco Compound sa Maynila, sinamantala ni Ernesto Ayade ang magandang panahon noong gabi ng Sabado para makapalot.
Bago magtanghali ng Linggo, nakabalik na siya sa pampang at dala ang mga nahuling isda.
“Dagat muna ako kay wala kaming pang-araw-araw na panggastos. Mahirap ‘pag dumating na ‘yong bagyo, saan kami kukuha?” ani Ayade.
Sa Las Piñas City, pinaghahandaan na rin ng local DRRMO ang pag-ulang dala ng habagat na palalakasin ng bagyo.
In-active na rin ng lokal na pamahalaan ang kanilang search and rescue team.
Nakahanda na rin ang mga rescue boat, truck pati mga tent na gagamitin sakaling magpatupad ng evacuation, lalo’t may 9 na coastal barangay na madalas binabaha.
Inaasahang ang mga bahagi ng northern Luzon ang makakaranas ng mga ulan na dala ni Bagyong Betty, na huling namataan sa Philippine Sea base sa 11 a.m. bulletin ng PAGASA ngayong Linggo.