Pagkakalooban ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng ID cards ang mga street dwellers at isasailalim sa biometric registration sa ilalim ng “Oplan Pag-Abot” program ng ahensiya upang mapangalagaan ang kalagayan ng mga ito sa araw-araw.
Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na ang mga naninirahan sa mga lansangan ay dapat nilang malaman ang kalagayan upang matiyak na may naihahatid na tulong ang ahensiya para sa mga ito.
Ang mga ito anya ay wala ring mga government-issued IDs kaya nahihirapang maka-access sa mga naipagkakaloob na benepisyo ng pamahalaan kaya’t iisyuhan ang mga ito ng ID cards.
Nilinaw naman ni Gatchalian na ang ibibigay na ID ay hindi maikokonsederang “government-issued ID” at hindi maaaring magamit sa mga official transactions.
Anya, ang DSWD-issued IDs ay gagamitin lamang para ma-validate ang impormasyon ng bawat indibidwal upang makapag-request ng regular na government ID.
Plano naman ng DSWD na lumikha ng database para sa mga taong naninirahan sa mga lansangan upang maiwasan ang mga itong ma-exposed sa exploitation.