Suportado ng Motorcycle Development Program Participants Association (MDPPA) ang pagbibigay ng insentibo para sa electric vehicles (EVs), ngunit kailangan umano na masiguro rin ang pagprotekta sa lokal na produksyon.
Ayon sa pahayag na inilabas ng organisasyon, bukas sila sa paglipat sa paggamit ng mga EV pati sa pagpapakilala ng mga e-motorcycle sa bansa. Ngunit dagdag ng grupo na importante rin na bigyang insentibo ang lokal na produksyon at pagbuo ng mga ito.
Ito’y matapos ihayag ng National Economic Development Agency na posibleng mapasama ang mga e-motorcycle sa listahan ng mga EV na may insentibo dahil rerepasuhin ito sa Pebrero 2024, o siyam na buwan mula ngayon.
“What we strive to achieve is a level playing field, between domestic production of ICE (internal combustion engine) motorcycles, and the tariff-exempted importation of EV, while our country is in the process of electrification),” saad ng MDPPA.
Ang mga e-motorcycles ay hindi nabigyan ng insentibo sa ilalim ng Executive Order No.12 series of 2023 na pinapababa ang taripa para sa ilang uri ng EVs at mga piyesa nito sa unang limang taon upang mapabilis ang pagpapakilala sa mga Pilipino.
Sa ilalim ng EO, ang ilang uri ng EVs na dating may 30% taripa ay pansamantalang napababa sa 0%.
Una nang nanawagan laban sa pagsama ng mga e-jeepney at e-trike sa EO ang MDPPA at ang Electric Vehicle Association of the Philippines (EVAP) upang maprotektahan ang lokal na produksyon, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
Inendorso rin ng DTI ang bersyon ng EO kung saan lahat ng uri ng EVs ay makakatanggap ng insentibo sa opisina ng Pangulo dahil suportado umano ng departamento ang paglipat sa paggamit ng mga EV.
Ilang prominenteng personalidad din sa industriya ng EV ang nanawagan sa pagbibigay ng insentibo sa e-motorcycles upang makatulong sa pagresolba ng mga problema sa kalikasan at pagbuo ng bagong industriya para sa mga ito dahil hawak ng motorsiklo ang pinakamaraming bilang ng mga motorista sa bansa.
Sinabi rin ni EVAP President Edmund Araga na suportado ng organisasyon ang pagbibigay ng insentibo para sa mga e-motorcycle dahil wala pa umanong lokal na produksyon nito sa ngayon.
Sinabi rin ni Stratbase ADR Institute President Prof. Dindo Manhit na ang rebisyon at pagbibigay ng insentibo sa mga e-motorcycle ay makatutulong sa inisyatibo ng gobyerno sa pagbuo ng sustainable transportation.