Pinuri ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Martes ang Manila Police District -Special Mayor’s Reaction Team (MPD-SMaRT), sa pamumuno ni PMAJ Edward Samonte dahil sa matagumpay na muling pagkaaresto sa isang Koreano na una nang nakatakas sa Bureau of Immigration (BI) warden facility sa Bicutan, Taguig kamakailan, gayundin sa matagumpay na pagkakumpiska sa isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon, sa nasabing operasyon.
Ang naturang pugante, na kinilalang si Kang Juchun, alyas Junghon Nam, 38, isang computer engineer, ay iprinisinta kay Lacuna ni Samonte at mga kinatawan mula sa BI, sa pangunguna ni Bureau spokesperson Dana Sandoval at ng mga miyembro ng BI Fugitive Search Unit (BI-FSU) na pinamumunuan naman ni Rendel Ryan Sy.
Pinapurihan din naman ni Lacuna si MPD chief PBGen. Andre Dizon, Samonte at iba pang personnel ng MPD na tumulong sa matagumpay na operasyon.
Ayon kay Lacuna, pinatunayan ng mga ito sa lahat na hindi nila papayagan na ang Maynila ay maging kanlungan ng mga puganteng kriminal, gayundin ng mga illegal drug activities.
Nabatid na sa kanyang ulat kina Lacuna at Dizon, sinabi ni Samonte na ang pagkadakip sa dayuhan ay resulta ng kanilang kolaboratibong pagsusumikap, katuwang ang BU-FSU.
Isinagawa ang operasyon sa condominium unit ng suspek na matatagpuan sa Little Baguio Terraces -Tower 1, Unit 5-A North Domingo St. San Juan City, kung saan nadakip rin ang mga kasamahan ni Kang na sina Kyung Sup Lim, 44, at Kim Mi Kyung, 39.
Sa rekord, natukoy na si Kang ay wanted sa kasong murder at abandonment ng isang dead person sa kanyang hometown sa South Korea.
Bago ang pagkaaresto, sinabi ni Sy na nagpakalat ang bureau ng mga flyers laban dito hanggang sa isang tipster ang kumontak sa tanggapan ni Samonte at itinuro ang kinaroroonan ni Kang.
Nagsagawa ng surveillance ang mga otoridad at nang makumpirma ang tip ay kaagad na isinagawa ang operasyon dakong alas-12:00 ng tanghali.
Kaagad na inaresto si Kang na naaktuhan pang tumitira ng shabu, kasama si Kyung.
Si Kim ay sasampahan ng kasong obstruction of justice dahil sa pagkakanlong kay Kang, habang si Kyung naman ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, si Kang ay subject ng warrant of arrest na inisyu ng Seonsan Branch ng Daejon District Court noong Pebrero dahil sa kasong murder at abandonment of a dead body na paglabag sa Criminal Act of the Republic of Korea.
Sinabi ni Sandoval na si Kang ay una nang naaresto noong Pebrero ng mga immigration officer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 nang dumating sa bansa mula sa Bangkok.
Gayunman, nagawa nitong makatakas mula sa BI Warden’s Facility perimeter dakong alas-2:00 ng madaling araw noong Mayo 21, sa pamamagitan nang pag-akyat sa bakod.
Si Kang ay itinurn-over sa BI habang sina Kyung at Kim ay nakapiit na sa holding cell ng SMaRT.