Magbibigay ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ng libreng sakay para sa mga kawani ng gobyerno sa susunod na linggo.
Ito’y bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng 123rd Philippine Civil Service Anniversary.
Sa abiso ng MRT-3, nabatid na tatagal ang libreng sakay ng tatlong araw. Magsisimula ito sa Setyembre 18, Lunes, hanggang Setyembre 20, Miyerkules, sa peak hours mula alas-7:00 hanggang alas-9:00 ng umaga, at alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.
Ayon sa MRT-3, kinakailangan lamang magpakita ng valid government ID upang maka-avail ng libreng sakay.
“Kami po sa MRT-3 ay taos-pusong nakikiisa sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Philippine Civil Service. Ang handog naming LIBRENG SAKAY ay simpleng pasasalamat sa lahat ng mga sakripisyo ng bawat kawani ng gobyerno upang magampanan nang tapat at maayos ang kanilang mga tungkulin,” saad ni DOTr Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino.
Ang MRT-3 ay bumabagtas sa kahabaan ng EDSA, mula North Avenue, Quezon City hanggang Taft Avenue, Pasay City.